Friday, January 28, 2011

POL SCI 102 CLASS: READ ON FOR YOUR INFO

SEARCH WARRANT

A man’s home is his castle. Not even the king would dare desecrate it.
Kahit nakatira ka sa barong-barong at sabihin na nating isa ka lang iskwater, hindi pwede tumapak sa maputik mong sahig ang sinuman, pati ang presidente ng Pilipinas na walang pahintulot. Ito ang garantiya ng ating Saligang Batas.

Karapatan ng bawat tao ang seguridad ng kanyang sarili, tahanan, papeles, at ibang bagay laban sa hindi makatarungang paghahalughog at pagkumpiska na walang search warrant.

Para ipahiwatig ang kahalagahan ng ating karapatan laban sa unreasonable searches and seizures, idineklara ng ating Saligang Batas na anumang bagay na makukuha sa ganitong paraan ay hindi magagamit na ebidensiya sa ano mang kaso at sa anumang uri ng paglilitis.

Ito ang tinatawag na “fruit of the poisonous tree“.

Tumpak, kahit isang toneladang ecstacy ang makita ng mga pulis sa bahay mo, habang ikaw ay nakahiga sa kama ng mga dahon ng marijuana, kung wala silang search warrant, ay hindi ito magagamit bilang ebidensiya at tiyak laya ka.

Hindi ito ginawa upang protektahan ang mga kriminal, kundi para mag-ingat ang mga pulis at sumunod sa tamang proseso kung ayaw nilang masunog ang kanilang operasyon. Bukod pa yan sa kasong Violation of Domicile (Art.128 RPC) na kakaharapin ng mga pulis.

PROSESO NG PAG-ISYU NG SEARCH WARRANT
Ang proseso sa pagkuha ng search warrant ay halos katulad din ng proseso sa pagkuha ng warrant of arrest.
Una, ang search warrant ay iniisyu lang ng hukom, period. Walang kapangyarihan ang sinumang kernel, major, heneral na magpalabas ng search warrant.
Pangalawa, dapat may probable cause sa isang konektadong krimen ang pag-isyu ng search warrant na personal na denitermina ng hukom matapos niyang suriin ang testigo na nanumpa sa kanyang harapan.
Pangatlo, ang nasabing testigo ay dapat higit pa sa inyong tsismosang kapitbahay na puro sabi-sabi lang ang nalalaman.  Nararapat na meron siyang personal knowledge at kayang ilarawan ang partikular na bagay na kukunin at saang lugar matatagpuan.

Kapag nakumbinse ang hukom na may probable cause ay maaring mag-isyu siya ng search warrant ayon sa tamang form.

PERSONAL PROPERTY TO BE SEIZED
Hindi porke may search warrant na inisyu ang hukom ay walang patumanggang kukunin ng mga pulis ang kanilang magustuhan. Eto lang ang mga bagay na maaring kumpiskahin.
(1)  Bagay na kasama sa krimen (subject of the offense)
(2) Nakaw na bagay o bagay na bunga ng isang krimen ( fruit of the offense)
(3) Bagay na ginamit o gagamitin sa isang krimen (use or intended to be used as the means of committing an offense)

Kaya hindi pwedeng kunin ng pulis ang iyong iphone, laptop at rolex, kung ang nakalagay lang sa search warrant ay patungkol sa mga baril. Basta’t hindi ito kasama sa krimen, off-limits.

IN THE PRESENCE OF WITNESSES
Eto ang pinaka-importanteng bagay na dapat niyong malaman.  Hindi pwedeng maghalughog ang mga pulis na may search warrantsa inyong tahanan ng hindi ginagawa sa inyong harapan o sa harapan ng myembro ng inyong pamilya. Yan ay kung ayaw mo lang mawala ang bago mong Canon 7D dslr.

Kung walang tao sa bahay ay dapat gawin ang paghahanap sa harapan ng dalawang testigo na nasa tamang edad at pag-iisip na nakatira malapit sa inyo.

Tulad ng paalala sa atin ng BIR, humingi lagi ng resibo. Resibo kung saan nakasulat ang detalye ng bagay na kinuha ng mga pulis. Baka kasi magulat ka na lang at biglang may sumulpot ng 10 gramo ng shabu sa paglilitis ng hindi mo alam.

TIME OF MAKING SEARCH
Ang search warrant ay pinapatupad dapat sa araw at hindi parang isang magnanakaw na sasalakay ang mga pulis sa gitna ng malalim na gabi (unholy hour). Pwera na lang kung ang salaysay ng testigo na ang bagay na hinahanap ay nasa tao at nasa sa lugar at may direksiyon siyang maaring mahanap ito sa araw o gabi lamang.

VALIDITY OF SEARCH WARRANT
Ang search warrant ay may buhay lamang ng 10 araw, kaya tignang mabuti ang petsang nakasulat. Di’ tulad ng warrant of arrestna nakalutang lang sa ere hangga’t hindi nahuhuli ang akusado, ang search warrant ay napapanis.

MOTION TO QUASH
Kung ikaw ay biktima ng unlawful search and seizures, ang unang gagawin ng abugado mo ay ipapa-quash ang search warrantkung saan ipapadeklara niya itong walang bisa.

Kaya kung anuman ang nakuhang bagay ay hindi magamit laban sa iyo at maaring pang maibalik kung hindi siya kontrabando tulad ng droga o hindi lisensyadong baril, o hindi siya nakursunadahan ng mga pulis.

Sponsors

1. The Lord Almighty WANT TO BE IN THIS BOX? LEAVE ME A MESSAGE
Related Posts Plugin for WordPress, Blogger...